Aabot sa 100 milyong piso ang inilaang budget ng Department Of Labor And Employment (DOLE) para sa mga naapektuhang manggagawa sa iba’t ibang rehiyon na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, sa pamamagitan ng tupad program, nasa 25,000 informal sector workers ang pagkakalooban ng kagawaran ng “emergency employment” na apektado ng bagyo sa Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga lugar na makakatanggap ay ang Western, Central, at Eastern Visayas; Northern Mindanao; at Caraga Regions sa ilalim ng nabanggit na Flagship Cash-For-Work Program.
Sinabi ni Bello na magsasagawa ang kanilang ahensya ng “profiling” sa mga nasalanta ng bagyo upang matukoy ang mga karapat-dapat na mabigyang benepisyo habang ibabase naman sa prevailing minimum wage sa rehiyon, ang suweldo ng mga benepisyaryo na ipadadala sa pamamagitan ng money Remittance service provider. —sa panulat ni Angelica Doctolero