ISA-ISANG inalala ng pamilya Marcos sa gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan ang ilan sa paborito nilang tagpo sa matagumpay na mga unity rides na ginawa ng tambalang BBM-Sara sa iba’t-ibang lugar sa bansa na pawang dinumog ng milyun-milyong mga tagasuporta.
Kung si BBM ang tatanungin, isa aniya sa paborito niyang pangyayari ay nang makita niya sa social media ang isang supporter na walang motorsiklo.
“Nakabisikleta lang siya, nakahabol siya hanggang 50 kilometers ang tinakbo niya. Nu’ng nalaman namin, sinabi ko puwede ko ba siya makilala. Tawag ko nga sa kanya si Superman, eh. Nagpasalamat ako sa kanya na siya’y nagtiyaga,” wika ni Marcos.
Maliban dito, nag-ambag-ambag din ang ilan sa mga nakiisa sa caravan at hinandugan ng motorsiklo ang siklista.
“Iyan ang pagbabayanihan ng mga Pilipino. Iyan ang aming pinag-uusapan na pagkakaisa na nagtutulung-tulungan. Iyan ang ugali ng mga supporters na ipinaglalaban at ipinapakita ang ating pagkakaisa at ang ating pagmamahal sa kapwa,” ani Marcos.
Samantala, para naman sa maybahay ni BBM na si Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos, isa sa nakapukaw ng kanyang damdamin ang pamimigay ng tubig ng isang ginang habang nasa kasagsagan ng motorcade.
Sa panig ni Joseph Simon Marcos, pangalawang anak ni BBM, memorable sa kanya ang pagkakahulog sa pick-up truck ng isang tagasuporta. “Tapos he got back up at sinabi niya sama-sama tayong babangon muli”.
Si William Vincent Marcos naman na bunsong anak ni BBM, binanggit na isang Marcos supporter din ang humaplos sa kanyang puso nang sumama ito sa motorcade gamit ang isang kaldero bilang helmet.
Maging ang YouTube sensation na si Sandro Marcos, panganay na anak ni BBM, ay nagbahagi rin ng paborito niyang eksena sa Unity Ride.
“Sa ating hometown na nasa Ilocos Norte sa napakaraming tao na nagpakita ang kanilang suporta sa UniTeam na BBM-Sara kaya ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng tao na nagpakita kahit madaling-araw, nandu’n silang lahat…buhay na buhay ang Solid North sa buong Ilocandia,” dagdag pang pahayag ni Sandro.