Ilang lugar sa Oriental Mindoro at Northern Samar ang nalubog sa baha dahil sa walang tigil na pag-ulang dulot ng amihan at shear line.
Simula Lunes ng umaga, 8 barangay sa Bayan ng Naujan, Oriental Mindoro ang binaha makaraang umapaw ang Tubig River.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head Joery Gelario, isolated din ang mga barangay ng San Andres at Masagana.
16 na barangay din ang binaha sa Bayan ng Baco habang abot-dibdib na ang tubig sa highway sa barangay Sta. Rosa kaya’t marami ang stranded patungo sa mga bayan ng San Teodoro at Puerto Galera.
Nasa 300 residente na ang nagsilikas at nasa 7K kabahayan na ang apektado ng pagbaha.
Samantala, nakaranas din ng pagbaha sa mga bayan ng Lavezares at Rosario, Northern Samar kaya’t nalubog ang ekta-ektaryang palayan. —sa panulat ni Drew Nacino