Nahuli ang isang security guard matapos niyang paluin ng bakal at saksakin ang isang lalaking sakay ng golf cart sa Ilocos Sur.
Kinilala ang biktima na si Tristan Tabboga, 38-anyos, at ang suspek na si Francis Figueres, 38-anyos.
Ayon sa Caoayan Police, lasing umano ang suspek nang mangyari ang insidente.
Nagulat na lang ang biktima nang bigla siyang paluin ng bakal sa kamay ng suspek at nang tanungin niya kung ano ang problema ng nito ay muli siyang inatake.
Bukod sa palo ng bakal, nagtamo din ng sugat dulot ng patalim sa tiyan at hita ang biktima.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa kaniyang ama at nadakip rin si Figueres kinalaunan.
Idinahilan naman ng suspek na mayroon umanong motorista na nanakit sa kaniya at inakala niyang si Tabboga ito.
Sa kabila ng paliwanag ng suspek, desidido ang biktima na sampahan ng kaso ang sekyu dahil muntik na siyang mapatay nito. —sa panulat ni Mara Valle