Handa ang Philippine National Police o PNP sa anumang posibilidad ng pagtaas COVID-19 Alert Level sa iba pang panig ng bansa.
Ito’y kasabay ng muling pagsasaillaim sa Alert Level 3 sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito tulad ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna dulot ng muling pagsirit ng mga naitatalang bagong kaso ng virus.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, mas mataas ang alert level ay asahan nang mas mahigpit ang ipatutupad na health protocols kaya’t hindi dapat magpaka-kampante lalo’t nariyan ang banta ng omicron variant.
Napatunayan na rin aniya na epektibo ang pagpapatupad ng granular lockdown upang mabalanse ang takbo ng ekonomiya gayundin ay mapigilan ang pagkalat ng virus.
Gayunman, nilinaw ni Carlos na nakadepende pa rin sa mga lokal na Pamahalaan kung magsasara ito sa pamamagitan ng paglalagay ng border checkpoints upang mapigilan ang galaw ng tao na siyang kailangan upang maiwasan ang hawaan. —ulat mula kay Jaymark Dagala