Humingi na ng paumanhin sa publiko ang United Laboratories (UNILAB) sa gitna ng numinipis umanong supply ng paracetamol at iba pang gamot sa ubo, sipon at lagnat sa ilang drugstore.
Ayon sa UNILAB, pansamantalang “out of stock” ang ilang brand ng kanilang gamot sa mga piling drugstore dahil sa “extraordinary demand.”
Tiniyak din ng naturang pharmaceutical company na nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang partner drugstores at retailers upang mapabilis ang replenishment ng mga supply sa lalong madaling panahon.
Sa pag-iikot ng DWIZ kagabi sa ilang drugstore sa Sangandaan, Caloocan at Tundo, Maynila, nagkaubusan o limitado na lamang ang supply ng ilang UNILAB products tulad ng Biogesic, Neozep at Bioflu. —sa panulat ni Mara Valle