Hindi tumitigil sa panghihikayat ang pamunuan ng Philippine National Police o PPNP sa kanilang mga kabaro na kunin na ang pagkakataon upang mabakunahan kontra COVID-19.
Ito ang panawagan ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos sa gitna na rin ng pangamba na apektado na rin ng Omicron variant ng COVID-19 ang kanilang hanay dahil sa biglang pagtaas muli ng naitatalang kaso.
Batay sa datos ng PNP Health Service, umabot na sa 425,082 ang mga bakunang kanilang naibigay kung saan ay nasa 215, 375 o 95.57% ang fully vaccinated na sa PNP.
Nasa 8,445 naman sa PNP o katumbas ng 3.75% ang nakapag-first dose na at hinihintay na lamang ang iskedyul ng kanilang second dose.
Habang nasa 1,523 o katumbas ng 0.68 percent ng mga tauhan ng PNP ang hindi pa nakatatanggap ng bakuna kung saan, 639 dito ang may katanggap-tanggap na dahilan at nasa 884 naman ang sadyang ayaw magpabakuna. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)