Hindi pa man nakababawi mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, nanganganib na namang maapektuhan ang operasyon ng mga local airline sa harap ng panibagong surge at banta ng Omicron variant sa bansa.
Ito’y dahil naka-umang na ang kaliwa’t kanang flight cancellations na umaabala sa mga planong biyahe at nagbabadyang maka-apekto sa recovery ng Aviation Industry.
Inihayag ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Airasia Philippines na marami sa kanilang flights ang kanselado na simula ngayong linggo, lalo ang mga biyahe patungong hongkong.
Magugunitang pinagbawalan na ng HongKong na makapasok sa kanilang border ang mga biyahero mula Pilipinas at 7 iba pang bansa.
Bukod sa mga travel ban, “understaffed” o kulang sa mga personnel ang Cebu Pacific matapos magkasakit kaya’t naunsyami ang ilang local flights.
Sa panig naman ng Airasia, bagaman hindi idinetalye kung may mga empleyadong naka-isolate o nagkasakit, kanilang tiniyak na hindi pa sila nakararanas ng kakulangan ng staff na maaaring maka-apekto sa kanilang operasyon.