Tinawag na fake news ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang kumakalat na audio clip sa social media hinggil sa umano’y pagdideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law.
Batay sa kumakalat na audio clip, isinasalaysay ng babaeng boses nito ang pagsasailalim umano sa Metro Manila sa Martial Law simula ngayong araw, Enero a-7 hanggang sa katapusan ng buwan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Lorenzana, wala silang nakikitang dahilan para ibagsak ang Martial Law sa alinmang panig ng bansa dahil ang naitalang 17K bagong kaso ng virus kahapon ay hindi pa sapat para sa pamantayan ng average daily cases.
Bagaman isinisisi sa bagong Omicron variant ng COVID-19 ang mabilis na hawaan ng sakit, sinabi ni Lorenzana na ang mga eksperto na ang nagsabing hindi ito gaanong kabagsik tulad ng inaasahan.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na nakabinbin pa rin ngayon sa IATF ang panukalang i-akyat ang Alert Level sa Metro Manila subalit tiniyak niya na hindi ito hahantong sa total lockdown. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)