Hindi na bago para sa Philippine National Police (PNP) ang mga paghahanda sakaling itaas pa ang ipinatutupad na Alert Level sa Metro Manila dahil patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, nakahanda na sila sa anumang recalibration ng kanilang security plan lalo’t maraming lugar na ang isinailalim sa Alert Level 3 simula Enero a-9.
Nagsimula na aniyang magpatupad ng paghihigpit ang National Capital Region Police Office (NCRPO) mula pa nuong Lunes at dito aniya sila huhugot ng mga dagdag na hakbang upang paigtingin ang kanilang operasyon.
Ngayon pa lamang ay naghahanda na rin ang PNP para sa mas mataas at mas mahigpit na quarantine status na Alert Level 4 sa Metro Manila kung magpapatuloy sa pagsipa ang mga naitatalang kaso.
Sa ilalim ng Alert Level 4, bawal lumabas ang mga nasa edad 18 pababa at 65 pataas, mga buntis, may karamdaman at tanging mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagan sa inter-zonal travels.
Muli ring lilimitahan ang operasyon ng mga negosyo sa mas maliit na kapasidad maging sa mga tanggapan ng Gubyerno upang maiiwas ang kanilang mga tauhan sa hawaan ng virus. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)