ILALAGAY daw sa peligro ang mga healthcare workers at maging ang pasyenteng kanilang aasikasuhin kapag pinaikli na lang ang isolation o quarantine period ng mga healthcare workers na magkaka-COVID kung ito naman ay fully vaccinated.
Ito ang inihayag ni Senator Joel Villanueva, kaya umapela ito sa Department of Health na irekonsidera ang kanilang posisyon na iklian na ang quarantine period ng health workers para lang matugunan ang shortage sa manpower ng mga ospital o mga healthcare facilities.
Ayon kay Senator Villanueva , maaari ding malagay sa alanganin ang inuuwiang pamilya ng mga healthcare workers sa naturang plano ng DOH.
Giit ng senador, sa halos dalawang taon nating pakikipagbuno sa COVID-19 pandemic, ating nakita na walang shortcut na daan patungo sa recovery.
Samantala, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na walang problema kung ang plano ng doh na iklian ang quarantine period ng mga healthcare workers ay science-based at hindi reaksyon lang sa mga dumarami na namang nao-ospital sa harap ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa.
Pero kung hindi aniya suportado ng siensya ang utos ng DOH kakampihan niya ang Health Alliance na nagsabing ang naturang utos ng DOH ay maglalagay sa peligro sa medical frontliners at hindi makakareresolba sa kakulangan ng workforce.
Una rito sinabi ng Alliance of Health Workers na ang naturang utos ng DOH ay unsafe, unfair at irrational.
Ayon kay Lacson, bagama’t magandang pakinggan sa nagka-covid tulad niya na ibinaba na 10-day ang quarantine period pero sa panahong ito na matindi at ang bilis ng hawahan, pinakamahalaga ang maprotekhan ang kalusugan.