Mananatili sa Alert level 3 ang National Capital Region (NCR) sa kabila ng panawagan ng ilang grupo na higpitan pa ang restrictions sa NCR dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, hindi pa pasok ang Metro Manila sa pamantayan ng Inter-Agency Task Force upang isailalim sa Alert level 4.
Ito, anya, ay dahil hindi pa naman umaabot sa high o critical risk ang hospitalization rate sa NCR kahit sumipa na sa panibagong record na mahigit 33K ang daily COVID-19 cases.
Ipinunto ni Nograles na ang mataas na vaccination rate sa metro manila ang posibleng dahilan kaya’t hindi gaanong mataas ang hospitalization rate.
Gayunman, inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi malabo umakyat na rin ang hospitalization rate sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases. —sa panulat ni Mara Valle