Tiniyak ng pamuan ng Philippine National Police o PNP na hindi maaapektuhan ang kanilang operasyon sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID 19 sa kanilang hanay.
Batay sa datos ng PNP Health Service, pumalo na sa 2,412 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng pulisya matapos na madagdagan ng 537 ang bagong kaso.
Dahil diyan ay namemeligro nang sumampa sa 44,000 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa PNP na ngayon ay nasa 43,992 na.
May 10 namang nadagdag sa bilang ng mga gumaling sa sakit kaya’t umusad na sa 41,455 ang total recoveries habang nakapako naman sa 125 ang kanilang death toll.
Una rito, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na may istratehiya na silang ipinatupad kung saan, sasaluhin ng mga pulis na negatibo sa virus ang trabaho ng kanilang mga kasama na nagpositibo at naka-isolate.
Nagpasalamat naman si Carlos na karamihan sa mga bagong kaso ay nakararanas lang ng mild na sintomas kaya’t kinakailangan lang sa kanila na mag-home quarantine.