Umapela sa mga Muslim Leader sa Mindanao si Atty. Alex Lacson, isang senatorial candidate na tumatakbo sa ilalim ng Kapatiran Party at ng tropang Leni-Kiko na bigyan ng pagkakataon ang Republic Act. No. 11596 na nagbabawal at nagsasakriminal sa pag-aasawa ng bata.
Ginawa ni Atty. Lacson ang apela matapos ipasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang isang resolusyong umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang pagpapatupad ng naturang batas.
Ayon kay Atty. Lacson, nirerespeto niya ang kultura at nakagawian ng mga muslim sa bansa pero isa itong pagkakataon para sa ating mga kapatid na muslim na suriin o alamin ang kanilang nakasanayan upang mas maisulong ang paggalang sa pangunahing karapatan ng mga bata, kabilang na ang kanilang proteksyon mula sa pang-aabuso at pagnanamantala.
Dagdag pa ni Lacson, ang naturang batas ay makakatulong para maprotektahan ang mga batang bangsamoro o mga menor de edad na muslim mula sa pagsasa-ayos at sapilitang pagpapakasal.
Sinabi ni Atty. Lacson na ang pagpapakasal ay sagrado at isang panghabang buhay na pangako kung saan, posibleng maging kritikal ang kaligayahan ng isang tao.
Ayon pa kay Lacson, mahalaga ang malalim na pagpapasya sa pag-aasawa at dapat ay magkaroon ng mahabang panahon upang maunawaan ang kahihinatnan ng maagang pagpapakasal.
Isa si Atty. Alex Lacson sa mga nagsusulong ng Republic Act 11596 na kamakailan ay ipinasa ng kongreso makaraang lagdaan ni Pangulong Duterte bilang batas noong Disyembre a-diyes dos-mil-bente-uno kung saan ang sinomang lalabag sa bagong batas ay pagmu-multahin ng hindi bababa sa 40,000 pesos at pagkakakulong ng hanggang 12 taon.