Handa na ang pamahalaan sakaling isailalim sa alert level 4 ang National Capital Region dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ito ang tiniyak ni Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles makaraang umabot na sa mahigit 100,000 ang bagong COVID-19 cases sa Metro Manila sa nakalipas na dalawang linggo.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni Nograles na wala pang pangangailangan para isailalim ang Metro Manila sa alert level 4 mula sa level 3 dahil hindi pa umaabot sa moderate risk level ang healthcare utilization sa rehiyon.
Ayon kay Nograles, kakayanin ng pamahalaan ang implementasyon ng alert level 4 at noon pa naman inihahanda ang mga ospital sa worst case scenario.
Nagkaroon anya ng panawagang itaas ang kapasidad ng mga pagamutan at kanilang temporary treatment and monitoring facilities.
Siniguro rin ni Nograles na nagpapatuloy ang kanilang real-time updates sa mga health worker at kanilang mga ka-relyebo.