Itinalaga ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos si PNP Public Information Office (PIO) Chief at Spokesperson P/Col. Roderick Alba bilang pangunahing tagapagsalita na may kinalaman sa media security ngayong panahon ng halalan.
Ito ang inihayag ni Carlos bilang pagtalima sa direktiba ni DILG Sec. Eduardo Año para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa pagganap ng kanilang tungkulin ngayong nalalapit na eleksyon.
Ayon kay Carlos, si Alba ang hahawak sa pambansang lebel habang inatasan din nito ang mga Regional Chiefs, Public Information Office para siyang tumoka sa mga mangyayari sa rehiyon.
Gayundin ang mga Provincial, City at Municipal Public Information Officers ng PNP na siyang magiging focal persons sa kani-kanilang mga lokalidad.
Tiwala ang PNP Chief na dati ring naging tagapagsalita ng Pambansang Pulisya na sa pamamagitan ng magandang relasyon sa pagitan ng media at ng Pulisya, matitiyak din nila ang kaligtasan ng mamamayan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)