Timbog ang numero unong Drug Personality sa Negros Occidental sa buy-bust operation kung saan nasabat mula sa kanya ang nasa P10.2M na halaga ng shabu sa barangay Guadalupe, San Carlos City.
Kinilala ang suspek na si Joel Rizardo, 24-anyos, residente ng Greenville Bato, Barangay Rizal at isang high-value individual.
Nakatakas naman ang kanyang live-in partner na si Jean Compacion, na residente ng Hacienda San Jose, Barangay Guadalupe.
Ayon kay San Carlos City Police Chief, Lt. Col. Jesus Mesajon, ilang buwang binantayan ng mga otoridad ang aktibidad ni Rizardo bago ito inaresto.
Walong plastic sachet na may iba’t ibang sukat at naglalaman ng shabu na tumitimbang ng isa’t kalahating kilo ang narekober mula sa suspek.
Samantala, napag-alaman din ng pulisya na pagmamay-ari umano ng tiyuhin ni Compacion ang bahay kung saan naganap ang buy-bust operation at illegal drug transactions.