Nagpositibo sa COVID-19 ang isang balikbayan mula Australia na nagsumite ng pekeng RT-PCR test result para makalabas sa isang hotel sa Makati City.
Base sa nakuhang impormasyon, January 6 nang isailalim sa RT-PCR test sa naturang hotel ang lalaking balikbayan pero hindi na nito nahintay ang resulta na nakatakda sanang lumabas sa January 7.
Ayon sa manager ng hotel na pinaglagian ng lalaking balikbayan, nagpupumilit at agad itong lumabas matapos sunduin ng kaniyang mga kaibigan.
Nabatid na pinadala umano ng lalaki sa hotel management ang kaniyang negative test result sa pamamagitan ng email, pero nang kanila itong suriin ay pangalan ng isang babae ang lumabas.
Sinabi ng hotel mangement na nagpositibo din umano sa COVID-19 ang naturang balikbayan sa ikinasang RT-PCR test sa kaniya bago pa man mangayari ang insidente.
Sa ngayon, dinala na ng mga tauhan ng Bureau Of Quarantine sa quarantine facility ang nagpositibong balikbayan.
Pinuri naman ng Department Of Tourism (DOT) ang pamunuan ng hotel sa Makati dahil sa tamang hakbang na kanilang ginawa kabilang na ang pagrereport agad sa kinauukulan matapos magkaroon ng discrepancy sa qr code. —sa panulat ni Angelica Doctolero