Inihayag ng Department of Health (DOH) na nasa National Capital Region (NCR) na ang community transmission ng panibagong variant ng covid-19 na omicron na tatlo hanggang limang beses na mas nakakahawa kumpara sa ibang mga variant ng nakakahawang sakit.
DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 149,000 ang kasalukuyang aktibong kaso ng covid-19 sa Metro Manila kung saan, posible pa itong dumoble hanggang sa buwan ng Pebrero.
Nasa 17,124 naman ang average na naitatalang kaso ng covid-19 sa Metro Manila mula Enero A-8 hanggang 14, na malaki ang itinaas mula sa 6,500 noong unang linggo ng Enero.
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng covid-19 indicator kabilang na sa lalawigan ng Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region maging ang Western at Eastern Visayas.
Sa ngayon, nasa critical risk na ang Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, at Cordillera Region.
Dahil dito, nanawagan ang DOH sa mga local government units o lgus na tutukan ang targeted testing o iprayoridad ang pagte-test sa mga vulnerable sector at bawasan ang contact tracing sa mga lugar na may matataas na kaso ng covid-19. –Sa panulat ni Angelica Doctolero