Ihihirit ng kampo ni Senator Grace Poe sa Commission on Elections o COMELEC na pag-isahin na lamang ang 3 disqualification case laban dito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. George Garcia, abogado ni Poe, maghahain siya ngayong araw na ito ng mosyon na humihiling na i-consolidate na lamang ang mga naturang reklamo.
Dahil dito, iginit ni Garcia na mapapadali ang proseso sa usapin at mareresolba ang isyu ng residency at citizenship ng senadora.
Ayon kay Garcia, ito’y nangangahulugan na walang katotohanan ang paratang ni Rizalito David na dine-delay nila ang proseso sa nasabing kaso.
“Pagka po kasi 3 makaka-delay lang po lalo yun dahil syempre sasagot kami sa bawat isa, maghe-hearing sa bawat isa, samantalang iisa na lang po ang kaso, isang sagutan, isang hearing, isang desisyon.” Pahayag ni Garcia
Maghahain ng sagot sa Lunes
Isasalang na sa oral arguments ng Commission on Elections o COMELEC ang isa sa mga disqualification cases laban kay Senador Grace Poe.
Sa Lunes, November 9 nakatakdang maghain ng kanilang kasagutan sa kaso ang kampo ni Poe at magkakaroon na rin ng pagmamarka ng mga ebidensya bilang paghahanda sa oral arguments sa November 10, araw ng Martes.
Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Poe, isa itong pagpapatunay na hindi nila sinasadyang ibalam ang pagresolba sa mga kasong naihain laban kay Poe.
Ipinaliwanag ni Garcia na humihingi lamang sila ng palugit sa isang kasong kriminal na inihain kay Poe dahil nakaangkla ang kasong ito sa kasong dinidinig naman sa Senate Electoral Tribunal.
Una rito, hiniling na rin ng kampo ni Poe sa COMELEC na pag-isahin na ang tatlong disqualification cases na naisampa kay Poe upang isahan na lamang ang hearing at pagbababa ng desisyon.
“Kinakailangang pag-aralan naming mabuti yung kasong kriminal, tandaan po natin na ang isyu nila ay kami daw po ay hindi natural born eh nililitis pa nga po kung natural born o hindi kami sa SET, papaano po masasabi ng COMELEC law department halimbawa na hoy may probable cause laban kay Senadora Grace Poe at mag-file tayo ng kaso gayung hindi pa po nalalaman o nagkakaroon ng kahit anong desisyon na nagsasabi na siya’y hindi natural born.” Pahayag ni Garcia.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita