Muling nanawagan ang palasyo sa mga local government units na ikunsidera na ang house to house vaccination drives upang ma-protektahan ang mas marami pang senior citizens at persons with comorbidities laban sa COVID-19.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, mas magiging konbinyente ito para sa mga priority group, lalo sa mga nahihirapan sa pagbiyahe patungong vaccination sites.
Naniniwala si Nograles na magiging epektibo ang pagbabahay-bahay para makapagpabakuna.
Sa katunayan anya ay mayroon ng ilang lgu ang nagpapatupad ng nasabing hakbang.
Samantala, nanindigan si Nograles sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga barangay captain na pagbawalang lumabas ng kanilang mga bahay ang mga hindi bakunado.
Binigyang-diin ng tagapagsalita ng palasyo na para naman sa kapakanan ng publiko ang naturang kautusan sa gitna ng patuloy na paglobo ng COVID-19 cases at pagkalat ng Omicron variant sa Metro Manila.