Nangako si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na buo niyang susuportahan ang National Task Force to End Local Communist (NTF-ELCAC) sa laban nito para wakasan ang kaguluhan.
Maliban dito, tiniyak rin ni Marcos ang dagdag na pondo, kung siya ang mananalo sa darating na halalan.
Matatandaang binatikos ni Marcos ang desisyon ng Senate Finance Committee na bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC, dahil aniya ay baka masayang lamang ang mga tagumpay na natamo ng pamahalaan sa pagsugpo ng insurgency.
Pinuri rin ni Marcos ang mahusay na pagganap ng Anti-Insurgency Body sa kanilang tungkulin kahit pa nabawasan ng P4-B ang kanila sanang P28.12-B na pondo ngayong taon.
Iginiit pa ng dating senador ang mahalagang papel ng NTF-ELCAC sa pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga rebel returnees at ang pagkakaloob ng pagkakataong muli silang mapabilang sa lipunan bilang mabuting mamamayan.
Nangako rin si Marcos na kanyang bibigyan ng dagdag suporta ang Support to Barangay Development Program ng Task Force na naglalayon na makapagbigay ng P20-M sa mga komunidad na napalaya ng pamahalaan sa kamay ng mga komunistang grupo.