Inilarga na ng mga opisyal ng Barangay Sudapin sa Kidapawan City, Cotabato ang bersyon nito ng “Operation Tokhang” upang makumbinse ang kanilang mga ka-barangay na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Barangay Sapudin Chairman John Karl Sibug, simula noong Lunes hanggang Huwebes ay nagbabahay-bahay sila upang hikayatin ang kanilang mga ka-lugar na magpabakuna sa Biyernes.
Nasa 3-K pa anyang indibidwal sa kanilang barangay ang hindi bakunado o tumatangging magpaturok sa kabila ng nagpapatuloy na vaccination campaign ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Sibug na hindi nila pipilitin ang sinumang tatangging magpabakuna, bagkus ay boluntaryo lamang ito.
Ang “Tokhang,” na nilikha mula sa dalawang pinag-samang salitang Cebuano na “Toktok” o Katok at “Hangyo” na Hiling o pakiusap ay unang ginamit bilang bahagi ng War on Drugs na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.