Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na nagpatupad ng isang linggong suspensiyon sa klase mula pre-school hanggang high school ang DepEd Schools Division Office sa Pampanga.
Ito ay kasunod ng 2,120 na kabuuang bilang ng mga gurong tinamaan ng flu at COVID-19 sa nasabing lugar.
Nagpatupad naman ng “health break” mula elementary hanggang college ang Angeles City dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19.
Sa huling tala ng DepEd Pampanga nito lamang Enero a-13, nasa 57 ang active COVID-19 cases sa kanilang teaching personnel, 1,497 ang afflicted with COVID-like symptoms at 566 naman ang mga sumasailalim sa quarantine.
Bukod pa ito sa datos ng Angeles City, Mabalacat City at City of San Fernando.
Ayon sa DepEd, malaking tulong sa isang indibidwal na mabigyan ng prayoridad ng provincial government ang pagbabakuna sa mga teaching at non-teaching personnel na sa kasalukuyan ay nasa 96.72% na ang fully vaccinated habang plano namang magtakda ng schedule sa pagbibigay ng booster shots para sa mga guro.
Tatagal ang suspensiyon ng klase sa mga pampublikong eskuwelahan sa lalawigan hanggang Enero a-22. —sa panulat ni Angelica Doctolero