Pumalo na sa 126 ang total death toll ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) matapos madagdagan ng isa ngayong araw.
Batay sa datos ng PNP Health Service ang ika-126 na nasawi ay isang 38 anyos na Police Staff Sergeant mula sa Jaen Municipal Police Station sa Nueva Ecija.
Enero a-13 nang sumailalim sa RT-PCR test ang naturang pulis, subalit kinabukasan ay nasawi ito sa Nueva Ecija Medical Center.
Nabatid na nakakumpleto sa bakuna ang naturang pulis subalit dahil mayruon itong commorbidities na lumala kaya’t hindi na pinalad pang magpatuloy sa buhay.
Sa kasalukuyan ay nasa 46,291 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa PNP matapos madagdagan ng 323 kung saan ay nasa 3,615 dito ang aktibong kaso.
Nakapagtala rin ng mataas na bilang ng mga gumaling sa sakit na nasa 503 kaya’t umakyat na sa 42, 550 naman ang kanilang total recoveries.