Pansamantalang pinalaya ang 80 anyos na lalaki sa Asingan, Pangasinan na nakulong nang isang linggo dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga mangga.
Isang release order ang inilabas ng 7th Municipal Circuit Trial Court ng Asingan matapos mag-piyansa ng 6,000 piso ni Leonardo “Narding” Floro.
Sa inilabas na kautusan ni Judge Sarah Marcos–Martin, itinakda ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Floro sa Pebrero a–8.
Hindi na umano nakapaghain ng counter-affidavit si Lolo Narding nang sampahan ng pormal na reklamo at nang makitaan ng probable cause ng korte ay pinaaresto na ito.
Enero a–13 nang silbihan ng warrant of arrest si Floro sa kasong pagnanakaw matapos ireklamo ng kapitbahay dahil sa pagpitas umano ng 10 kilo ng manga.
Samantala, inihayag naman ni Maj. Napoleon Eleccion, hepe ng Asingan Municipal Police Station na handa umanong i-atras ng complainant ang kaso kapag nagkausap na sila ni Floro o magkaroon ng mediation.