Nahuli na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na suspek sa likod ng panghahack sa mga account ng 700 customer ng BDO nito lamang Disyembre.
Kabilang sa mga suspek ang dalawang Nigerian national na naaresto sa ikinasang operasyon sa Pampanga at sinasabing may malaking papel sa ginawang panghahack sa mga customer ng BDO Unibank Inc.
Ang ikatlong suspek na kinilalang si alyas Anny na nakatoka sa pag-download ng pera mula sa system ay naaresto sa Pasig City habang ang ika-apat na suspek naman na kinilalang si Clay Revillosa na sinasabing lumikha ng computer program sa panghahack ay naaresto naman sa Maynila.
Ayon kay NBI Director Eric Distor, kasalukuyang pinagsama-sama ang lahat ng ebidensya bago sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
Sa ngayon, tinututukan na ng NBI ang iba pang miyembro ng grupo para mapanagot din sila sa kanilang ginawang krimen. —sa panulat ni Angelica Doctolero