Inihayag ni Taytay Women and Children protection desk Chief Police Lieutenant Gremalyn Bernardo na natagpuan ang walang buhay na 8 anyos na batang babaeng isang linggo ng nawawala sa barangay Dolores, Taytay, Rizal.
Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni Bernardo na nakatanggap sila ng report mula sa mga residente ng nasabing lugar na may nakitang bangkay sa isang kanal matapos na mapansin ang masangsang na amoy sa tapat ng bahay ng ama ng biktima.
Kaugnay nito, inilahad niya ang pangyayari batay sa sinabi at inamin ng ama nito kahapon na suspek sa pagpaslang sa nasabing bata.
Bale nung gabi…naligo ‘yung bata, unusual po du’n sa mga kapitbahay kasi bakit gabi naliligo ‘yung bata, meron po kasi silang balon du’n malapit sa area. Umuwi na po ‘yung bata and then dumeretso po sa cr para magbihis, at ayon sa suspek sinundan niya ang bata at du’n ginawan ng kahalayan.
Sinabi pa ni Bernardo na mayroong previous record kaugnay sa kasong droga ang suspek at kakalaya lamang nitong Disyembre.
Samantala, nakakulong na ang ama ng biktima at nahaharap sa kasong rape with homicide.