Halos dalawang taon simula nang magkaroon ng pandemya, naniniwala ang ilang kandidato sa pagkapangulo sa May 9 elections na walang “Sense of Urgency” ang gobyerno sa COVID-19 response.
Sa Jessica Soho Presidential Interviews sa GMA7, inihayag ni Vice President Leni Robredo na bagaman maraming nagawang mabuti ang administrasyon sa COVID response, ang tunay na problema ay ang mabagal na aksyon.
Ayon kay Robredo, kung mas mabilis ang pagtugon ng pamahalaan, tulad ng agarang pagpapatupad ng travel ban noong epidemya pa lamang ang COVID-19, maiiwasan sana ang mga problemang kinakaharap ngayon ng bansa.
Para kay Senador Manny Pacquiao, dapat ay naging prayoridad ng gobyerno ang mass vaccination efforts sa simula pa lamang ng pandemya sa halip na mga lockdown, na sanhi ng pagsasara ng maraming negosyo at pagkawala ng maraming trabaho.
Ipinunto naman ni Senator Panfilo Lacson na pinaigting dapat ng pamahalaan ang paggastos para sa cash subsidies pero nabalam ito dahil sa burukrasya.
Samantala, sa panig ni Manila Mayor Isko Moreno, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng agarang deployment ng mga bakuna at pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong mamamayan.