Nagmistulang anino ng USS Lassen, ang guided destroyer ng Estados Unidos ang isang warship ng China sa buong panahon ng pagpapatrolya nito sa South China Sea.
Ayon kay Commander Robert Francis, Commanding Officer ng USS Lassen, paulit-ulit silang tinatanong ng kanilang mga aninong Chinese kung ano ang ginagawa nila sa bahagi ng karagatang inaangkin ng China.
Isa lamang aniya ang sagot ng USS Lassen crew, na naaayon sa international law ang kanilang ginagawang malayang paglalayag sa South China Sea.
Sinabi ni Francis na hindi bababa sa 50 ang bilang ng kanilang interactions sa Chinese warship na nakasunod sa kanila.
Subalit nagkaroon aniya ng isang pagkakataon na ang palitan ng salita ay tungkol sa kung ano ang gagawin nila ng weekend at nagkaroon rin ng palitan ng kwento tungkol sa kani-kanilang mga pamilya.
Nang makalampas ang patrolya ng USS Lassen sa mga pekeng isla na ginawa ng China, unti-unti na ring kumawala sa kanila ang kanilang anino na Chinese destroyer.
By Len Aguirre