Unti-unti nang dumarami ang naitatalang mga gumaling sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police o PNP kaysa sa mga naitatala nilang bagong kaso.
Batay sa datos ng PNP Health Service, nakapagtala sila ng 444 na mga bagong gumaling sa sakit kaya’t pumapalo na sa 44,609 ang kanilang total recoveries.
Mas mataas ito kumpara sa 158 na mga naitalang bagong kaso ngayong araw kung saan ay bumaba na rin sa 2,730 ang mga aktibong kaso ng virus.
Sumatutal ay aabot na sa 47,465 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa hanay ng PNP habang wala namang naitalang bagong nasawi kaya’t nakapako sa 126 ang kanilang total death toll.