Nasa ligtas nang kalagayan habang nagpapagaling sa ospital ang 1 Sundalo at 1 Civilian Auxillary Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos masugatan sa ginawnag pambobomba ng New People’s Army (NPA) sa Pinabacdao, Samar.
Ayon kay Army’s 8th Infantry Division Commander MGen. Edgardo De Leon, patungo sana ang grupo ng mga sundalo at CAFGU sa kanilang bagong detachment nang pasabugin ng mga rebelde ang isang Anti-Personnel Mine sa Brgy. Peleaon.
Nakilala ang mga sugatan na sina Staff Sgt. Alan Albuera na tinamaan ng shrapnel sa leeg at kanang binti gayundin ang CAFGU na si Rolando Abainza Jr na tinamaan ng shrapnel sa kanang binti.
Mariing kinondena ni De Leon at ng Pamahalaang Bayan ng Pinabacdao ang naturang pagpapasabog ng mga rebelde na malinaw ng pagwawalang bahala ng mga ito sa kaligtasan at kaayusan ng bawat komunidad at ang kanilang patuloy na pag-iingat ng mga Anti-Personnel Mine ay kalapastanganan sa UN convention na nagbabawal sa mga ito.
Batay sa itinatadhana ng Ottawa Convention, mahigpit nang ipinagbabawal sa alinmang Sandatahang Lakas o armadong grupo ang paggamit ng Anti-Personnel Mine dahil sa matinding pinsalang dulot nito sa mga inosente. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)