Posibleng masibak sa serbisyo at makulong pa ang may 8 Pulis na miyembro ng Anti-Organize Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito’y matapos silang maaresto ng kanilang mga kabaro sa CIDG dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa kidnapping ng 7 Chinese National at 1 Pinoy sa Angeles City sa Pampanga.
Kinilala ni CIDG Angeles City Field Unit ang mga naarestong pulis na sina P/Maj. Ferdinand Mendoza, PSSgt. Mark Anthony Iral, PSSgt. Sanny Ric Alicante, PCpl. John Gervic Fajardo, PCpl. Kenneth Rheiner Delfin, Pat. Leandro Mangale at Pat. Hermogines Rosario Jr.
Nabatid na nagsisilbing mga protektor ang naturang pulis ng hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa naturang lugar na pagmamay-ari ng 2 Chinese Nationals bitbit ang mataas na kalibre ng armas.
Ngunit nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng CIDG, iginiit ng mga naarestong pulis na nagsasagawa sila umano ng buy-bust operations sa lugar dahil anila sa may mga natatagong armas.
Patuloy ang isinasagawang imbentaryo sa mga nakuhang ebidensya kabilang na ang 300,000 pisong pera, di pa mabilang na dolyar at mga service firearm ng mga naarestong pulis at mga sasakyang gamit ng mga ito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)