Personal na ininspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang aabot sa may 526 na mga loose firearms na nabawi ng Supervisory Office on Security and Investigation Agencies ng PNP Civil Security Group para sa buwang ito.
Ayon kay Carlos, karamihan sa mga nakumpiskang armas ay mula sa street inspection ng mga pribadong security service na walang Permit, License to Own and Posses Firearms o Duty Detail Order.
Kasama rin sa mga nakumpiska ay mga armas na burado na ang serial number o di kaya’y may duplicate o kaparehang numero.
Paalala naman ni Carlos sa mga Security Agency, itinuturing na grave offence ang ganitong uri ng paglabag ng mga Security Agency na may multang 50 libong piso para sa unang paglabag at kanselasyon ng lisensya sa ikalawa.
Samantala, nagpatawag ng Command Conference ang PNP Chief ngayong araw bilang paghahanda para sa Halalan 2022.
Sinabi ni Carlos na kanilang tinalakay ang sitwasyong pangseguridad ng bansa at kung may madaragdag ba sa mga itinuturing na election hotspots.
Nito lamang Disyembre ng nakalipas na taon, nakapagtala ang PNP ng may 500 areas of concern dahil sa matinding away pulitika ng mga magkakalabang public officials. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)