Ipina-contempt na ng Senate Blue Ribbon Committee ang limang iba pang dinadawit sa kontrobersya ng Pharmally Pharmaceutical dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig.
Pina-iisyuhan ng warrant of arrests sina Rose Nono Lin, Sophia Custodio, Dennis Manalastas, Jayson Uson at Gerald Cruz.
Si Lin ay asawa ni Lin Wei Xiong na lumitaw na finance officer ng Pharmally at ka-sosyo sa mga negosyo ni Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpautang umano sa kumpanya.
Sa hearing ng Kumite, nagpadala si Nono-Lin ng medical certificate na nagsasabing positibo siya sa COVID-19 at may iba pang iniindang karamdaman pero pinagdudahan ito kaya’t pinado-double check ni Committee Chairman at Senator Richard Gordon.
Si Custodio naman na hindi kailanman dumalo sa mga hearing ay kasintahan ni Pharmally Corporate Secretary at Treasurer Mohit Dargani na ipinatatawag dahil ang kumpanya nito ang nagbenta sa gobyerno ng face shields.
Samantala, sina Manalastas, Uson at Cruz ay mga officer umano sa mga kumpanya ni Michael Yang at kahit minsan ay hindi rin humarap sa pagdinig. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)