Hindi katanggap-tanggap at walang lugar sa banking system ang pekeng bills na inilalabas sa mga automatic teller machine (ATM).
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Banks Chaiperson Grace Poe makaraang ikabahala ang paalala at babala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maging alerto laban sa mga pekeng pera mula sa mga ATM.
Ayon kay Poe, ang tanong ay kung paanong naipapasok ang bogus o pekeng pera sa mga ATM ng mga bangko.
Tungkulin anya ng mga bangko na suriin ang mga peke upang matiyak na mga genuine bills lang ang maibibigay sa mga depositor.
Bilang tagapangalaga ng pera ng publiko, iginiit ng senador na dapat ding tiyakin ng mga bangko na protektado sa lahat ng oras ang pera ng kahit sinong kliyente. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)