Nalambat ng mga otoridad ang lalaking itinuturong utak sa paggawa ng mga pekeng vaccine cards makaraang ikasa ang entrapment operation sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Marcelo Cabansag y Baysac a.k.a. Marque, 28-anyos na isang graphic artist at residente ng No.366 F. Rosario Street, Brgy.59, Pasay City.
Ayon kay Pasay City Police Chief Col. Cesar Paday-Os, nadakip si Cabansag, bunsod ng naunang pagkakahuli sa dalawang transport barker na kinilala namang sina Alex Batayan, 39-anyos at Eddie Garcia, 46-anyos na nagbebenta umano ng mga pekeng vaccination cards sa nabanggit na lugar.
Narekober sa mga inaresto ang dalawang pirasong pekeng COVID-19 vaccination card, 1 set ng computer na may 2 printer, 1 laminator machine, photocopier na may printer, iba pang materyales sa pagprint at dalawang 100 pesos marked money na ginamit sa entrapment operation.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na nito lamang Enero ay nakagawa na ng 50 pirasong pekeng vaccination cards si Cabansag na naibigay kina Batayan at Garcia na naibenta naman sa halagang 500 pesos ang bawat isa.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 2 Revised Penal Code in Relation to RA11332 o ang paggawa ng fake vaccination card sina Batayan at Garcia habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Falsification of Public Documents in Relation to RA11332, Sec. 9, Paragraph B si Cabansag.
Nagpaalala naman si Paday-Os sa mga residente na siguruhing lehitimo ang kanilang makukuhang vaccination cards dahil may posibilidad na makasuhan din sila sakaling madiskubreng peke ang kanilang vaccination card. —sa panulat ni Angelica Doctolero