Nagsagawa ng kilos protesta ang grupo ng mga health worker sa labas ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Maynila makaraang tapyasan ang kanilang COVID-19 benefits sa pamamagitan ng One COVID Allowance ng Department of Health (DOH).
Kasunod ito ng pagkadismaya ng grupo dahil sa ipinatutupad na bagong allowance scheme para sa mga frontliners.
Iginiit ng grupo na itaas sa labing limang libo ang buwanan sa Special Risk Allowance (SRA) dahil sa panganib at hirap ng kanilang trabaho.
Marami na kasi sa mga nars at doktor ang nagpositibo sa COVID-19 dahil na rin sa kanilang serbisyo na iligtas ang mga pasyente at labanan ang nakakahawang sakit.
Matatandaang inihayag ng DOH na ang sra at active hazard duty pay ng health workers ay papalitan ng “one COVID-19 allowance” na mas komprehensibo at madaling makatugon sa gitna ng pandemiya.—sa panulat ni Angelica Doctolero