Mas nakahahawa ang BA.2 subvariant ng Omicron COVID-19 variant at mas may kakayahang makapanghawa ng mga bakunado kahit ang mga na-booster kumpara sa orihinal na BA.1 subvariant.
Ito’y batay sa resulta ng pag-aaral ng statens serum institut ng Copenhagen University, Statistics Denmark at Technical University of Denmark.
Sa naturang pag-aaral sa mahigit 8,500 households mula Disyembre hanggang Enero, ang mga taong infected ng BA.2 subvariant ay 33% na mas nakapanghahawa ng iba kumpara sa mga kargado ng BA.1.
Ang orihinal na BA.1 subvariant ang bumubuo sa mahigit 98% ng Omicron cases sa buong mundo, pero mabilis na naging dominanteng strain ang BA.2 sa Denmark, simula noong ikalawang linggo ng Enero.
Taglay ng Omicron BA.2 immune-evasive properties kaya’t nakapapasok ito sa katawan ng mga bakunado at mga taong tinurukan ng booster.
Sa kabila nito, hindi pa sumasailalim sa peer-review o mas malalim na pagsusuri ang resulta ng findings ng mga Danish researcher.