Nabiktima ng umano’y package scam ang isang barista sa isang milk tea shop sa Makati City.
Sa imbestigasyon ng Makati City Police, wala ang may-ari na si Pierre De Borja nang dumating ang isang motorcycle rider na may dalang parcel na naka-address sa kanya.
May ipinakita umanong papel ang rider sa hindi pinangalanang barista na tauhan ni De Borja kung saan nakasulat ang buong pangalan nito at may-ari ng shop tsaka hiningi ang bayad na 2,100 pesos.
Gayunman, nang buksan nila ang package, nakita nila na ang laman nito ay mga plastic na bote, isang kaha ng sigarilyo at isang kahon ng e-cigarettes.
Babala naman ng mga otoridad sa publiko na maging alerto dahil marami ang gumagawa ng mga scam dahil na rin sa hirap ng buhay.—sa panulat ni Mara Valle