Inihayag ng Davao Oriental Provincial Health Office na isa na sa Sitio Lower Manzanas sa Caraga ang naitalang nasawi habang umabot naman sa 350 katao ang naapektuhan ng diarrhea outbreak sa Barangay Santiago, bayan ng Caraga, Davao Oriental.
Kinilala ang nasawi na si Cludualdo Tucasan, na inadmit sa Mati City Hospital pero agad ding binawian ng buhay matapos tamaan ng diarrhea habang patuloy paring ginagamot ang nasa 60 pasyente kung saan, isang tatlong buwang gulang na sanggol ang pinakabatang tinamaan ng naturang sakit.
Nabatid na ang COVID-19 Quarantine Facility sa lugar ay pansamantala munang ginawang Infirmary o pasilidad para sa mga may diarrhea.
Nagpaalala naman sa mga residente si Dr. Chris Anthony Limen ng Municipal Health Office laban sa pag-inom ng tubig mula sa kanilang mga gripo dahil posible na ito ang dahilan ng outbreak dahil sa kontaminadong tubig.
Ayon naman kay Melanie Ybanez, Officer ng Caraga Municipal Risk Reduction and Management Office, mainam na pakuluan muna ng 20 minutes ang mga tubig na iinumin na makukuha mula sa mga gripo.
Mas okay din kung iinom ng distilled at purified water para makasigurong ligtas at malayo sa sakit na diarrhea. —sa panulat ni Angelica Doctolero