Tumanggi muna ang Malakanyang na magkomento sa Senate Blue Ribbon Committee draft report na nagpapanagot kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano sa “betrayal of public trust”.
Kaugnay ito sa kwestiyonableng COVID-19 pandemic supply contract na pinasok ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay acting presidential spokesman Karlo Nograles, partial at hindi pa opisyal ang report at mahirap magsalita dahil wala pa silang kopya nito.
Gayunman, tiniyak ni Nograles na hindi kinukunsinti ni Pangulong Duterte ang korapsyon at hindi nito pipigilan ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot.
Ayaw lamang anya ng pangulo na nagagamit ang senado sa pulitika at naaapektuhan ang trabaho ng mga miyembro ng gabinete. —sa panulat ni Mara Valle