Hinimok ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) ang Department of Agriculture (DA) na bawiin ang certificate of necessity para mag-import ito na inisyu para sa 60,000 metric tons ng isda.
Ayon sa NFARMC, sinabi ng grupo na walang dahilan para dagdagan ng DA ang lokal na suplay sa mga import dahil ang bansa ay may off-stock volume na katumbas ng 45,651 metric tons. Sa bilang, 22,613 metric tons pa ang nasa cold storage.
Dadag pa ng ahensya, na ang panahon ng pangingisda sa Northern Palawan ay nagbukas na noong Enero a-31, habang sa East Sulu Sea at sa kalapit na katubigan ay magbubukas ito sa Pebrero a-28.
Iginiit pa ng NFARMC, na humigit-kumulang 1,856 na rehistradong commercial fishing boat para sa maliliit na pelagic fish ang nag-aambag sa direktang trabaho ng humigit-kumulang 120,000 katao.
Samantala, ang lokal na pangingisda ay nag-aambag ng P100 bilyon sa kabuuang pambansang produkto ng bansa. —sa panulat ni Kim Gomez