Muling nanawagan ang Philippine National Police o PNP sa publiko na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang anumang uri ng sugal sa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas pa.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, matapos maaresto ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang Alkalde ng Ferrol, Romblon na si Jovencio Mayor Jr at 200 iba pa.
Batay sa ulat ng MIMAROPA Regional PNP kay Carlos, nagkasa sila ng OPLAN BOLILYO ang pulisya makaraang maberepika ang impormasyon na may isinasagawang sabong sa Tubigon Square Garden.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Lalawigan salig sa kautusan ng Inter-Agency Task Force o IATF kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering partikular na ang live sabong dahil sa COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga nakumpiska ay mga taya, tari ng mga manok at iba pang gait sa sabong gayundin ang mismong mga sasabunging manok kabilang na iyong mga talunan o namatay na.
Dahil dito, inihahanda na ng Pulisya ang kasong paglabag sa IATF resolution 1579 at Presidential Decree 449 o Cockfighting Law na inamiyendahan ng Presidential Decree 1602.