Umabot na sa 62 mula sa 101 licensure examinations ang isinagawa ng Professional Regulation Commission noong 2021.
Kumpara ito sa 11 mula sa 85 eksaminasyon lamang noong 2020.
Aminado si Professional Regulation Commission Chairman Teofilo Pilando Jr. na hindi naging madali ang pagsasagawa ng mga examination sa nakalipas na taon dahil sa Covid-19 pandemic at pabagu-bagong community quarantine classifications.
Gayunman, kahit paano anya ay mayroon pa ring mga naisakatuparang licensure examination ang kanilang ahensya.
Ito’y sa tulong ng pakikipag-ugnayan, tulungan at pag-apruba ng National at Local IATF, local government units at iba pang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Inihayag din ni Pilando na ikinonsidera at ibinalanse rin nila sa pagsasagawa ng exam ang kaligtasan ng mga examinee, mga exam personnel at ang pangangailangan ng bansa ng mga propesyunal.