Himas-rehas na ngayon ang Chairman ng Barangay San Felix sa Sto. Tomas City sa Batangas dahil sa pag-iingat ng iba’t iba at matataas na kalibre ng armas gayundin ng mga bala.
Kinilala ng Sto. Tomas City PNP ang naaresto na si Gerry Punzalan, 49-anyos na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Law.
Ayon kay Batangas Provincial Police Director P/Col. Glicerio Cansilao, nakatanggap ng tip ang Sto. Tomas PNP hinggil sa pagmamay-aring mga armas ni Punzalan kaya’t nagkasa sila ng operasyon.
Inaresto si Punzalan sa kaniya mismong bahay sa bisa ng Search Warrant na inilabas ng Tanauan City Regional Trial Court.
Nakumpiska mula sa kaniyang pag-iingat ang isang Colt Caliber .45, Shotgun at mga bala nito gayundin ang mga bala para sa caliber 5.56 M-16 rifle at caliber .30 carbine rifle.