Tinatayang 1.15 bilyon scams at spam messages, kasama ang 7,000 na kahina-hinalang mobile numbers, ang hinarang ng isang telco o telecommunications company noong 2021, bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng kumpanya para maprotektahan ang mga customers. Kasama ring pinatigil ng Globe ang 2,000 social media accounts at phishing sites na ginagamit ng mga masasamang loob para makakuha ng personal na impormasyon, pera, at iba pang mahahalagang bagay mula sa publiko. Kasabay ng pagdiriwang ng Safer Internet Day, nangako ang telco na lalo pang hihigpitan ang seguridad para sa mga customers. Nakikiisa ito sa pandaigdigang komunidad sa pagpapalaganap ng ligtas at mas responsableng paggamit ng mobile phones at teknolohiya. “Mahalaga sa Globe ang proteksyon ng aming customers. Kaya naman lalo naming pinapalakas ang aming mga sistema at proseso para malabanan ang mga lumilitaw na hamon sa seguridad. Nakikipagtulungan din kami sa pribadong sektor para rito dahil hindi namin kayang lunasan ito na mag-isa,” pahayag ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng telco. Bumuo rin ito ng mga paraan para madaling makapag-report ang mga empleyado at customers kapag may mga insidente ng scam o spam, kabilang na rito ang https://www.globe.com.ph/stop-spam para sa scam/spam messages at https://www.globe.com.ph/report-tampered-modem.html para sa tampered modems. Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang kumpanya sa mga malalaking bangko at online retailers sa bansa para sa direkta at 24/7 na pag-uulat ng mga fraudulent activities. Hinihikayat din ng telco ang publiko na mag-report sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa https://acg.pnp.gov.ph/eComplaint/ o sa National Telecommunications Commission sa pahina nitong https://ntc.gov.ph/complaint-page-2/ kung may mga nasumpungang suliranin tungkol sa cybersecurity. Bilang bahagi rin ng pagtulong sa publiko, regular din itong nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa cybersecurity at data privacy.