Pinaalalahanan ng Police Security and Protection Group ng Philippine National Police (PSPG) ang mga pulis na magbabantay sa mga kandidato na huwag makilahok sa mga political activities sa halip ay ituon ang atensyon sa pagbibigay seguridad sa mga kandidato.
Ito’y ayon kay PSPG Spokesperson P/Maj. Jackson Cases makaraang aprubahan ng Comission on Elections (COMELEC) at PNP ang aplikasyon ng 19 na kandidato para sa hirit na Police Security Escorts.
Ayon kay Cases, pinakamarami sa mga ito ay pawang mga tumatakbo bilang kinatawan sa Kamara de Representantes na may 8, 3 rito ang Senador, 2 ang Alkalde, 2 ang Bise Alkalde at 4 na pribadong indibiduwal na kumakandidato rin.
Patuloy aniya silang tumatanggap ng aplikasyon gayundin ang pagpoproseso sa ilan pang aplikasyon kaya’t dapat na kumpletuhin ng mga kandidato ang mga kinakailangang dokumento upang maiwasan ang aberya. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)