KATULAD ng inaasahan, libu-libong taga-suporta ang dumagsa sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan nitong Martes para saksihan ang proklamasyon nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, kanyang running-mate na si Davao City Mayor Sara Duterte, at kanilang senatorial ticket, na tila pagpapakita ng pwersa sa pasimula ng kampanya para sa halalan sa May 2022.
Aabot sa 25,000 upuan ang inilaan sa mga dumalo sa proclamation rally sa Philippine Arena na may 55,000 capacity. Pero ayon sa crowd estimate, aabot sa mahigit 30,000 taga-suporta ang dumating sa okasyon.
Highlight sa tatlong oras na proclamation rally ang talumpati ni Marcos na sumentro sa panawagan ng mapagkaisang pamumuno at muling pagbangon mula sa pandemya.
Matapos namang tugtugin ng bandang Plethora ang “Bagong Lipunan” theme song ng UniTeam na sinabayan ng libu-libong supporters, napasigaw ang host na si Toni Gonzaga at sinabing, “Tapos na. May nanalo na, tapos na ang laban! Buhay na buhay ang pagmamahal kay Apo Lakay Ferdinand Marcos.”
Pinasalamatan din ni Marcos ang kanyang katambal na si Inday Sara dahil sa pagpayag nito na kanyang maging bise-presidente.
“Ako ang pinakamapalad na presidential candidate, sa aking palagay dahil ang nakasama ko bilang bise presidente ay si Mayor Sara Duterte. Pinakamagaling, pinakamahusay at higit sa lahat ay may paninindigan sa kanyang mga pangarap at hangarin para sa ating bansang Pilipinas,” anang presidential bet.
Nanindigan din si Marcos sa panawagang pagkakaisa kasabay ng pagbibigay ng magandang buhay sa lahat.
“Doon po kami nagkasundo kaagad noong aming pinag-usapan kung ano ba ang mga pangangailangan, ano ba ang mga dapat gawin, para tayong mga Pilipino ay makabangon na sa krisis na ating pinagdadaanan, ang krisis ng pandemya at ang krisis ng ekonomiya,” idinagdag ni Marcos.
Nanawagan din si Marcos sa mga taga-suporta na dapat lahat ay may kontribusyon sa panawagan nilang pagkakaisa.
“Siguro naman kung hindi man tayo magkasundo sa maraming bagay, sana ay magkasundo tayo sa paniniwalang kakayanin natin ito para naman kung haharap tayo sa buong mundo ay maisisigaw natin na ako ay Pilipino, taas noo kahit kanino,” ani Marcos.
Sa huli, sinabi ni Marcos na ang kailangan nila ay “a victory not only in the May Elections, but a victory of unity that will usher our country to a better future.”
Dakong ika-10 ng umaga pa lamang, nagdulot na ng pagsisikip sa trapiko sa northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa dagsa ng motorista na pumunta sa tinaguriang pinakamalaking indoor arena.
Paulit-ulit naman ang panawagan ng celebrity host na si Toni Gonzaga sa mga supporter na panatilihin ang pagsunod sa mga health protocol habang abala rin ang mga UniTeam staff para paalalahanan ang mga tao sa pagsunod sa protocol.
Habang ang ibang kandidato ay piniling gawin ang kanilang proclamation rally sa kanilang mga balwarte, mas pinili naman ng UniTeam ang naturang arena na malayo sa kanilang mga lugar o balwarte.
Gaya ng alam na ng lahat si BBM ay taga Ilocos Norte at si Inday Sara naman ay mula sa Davao City.