Ipinag-utos na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-alis sa master list ng 3 milyong botante na nabigong magpa-biometrics.
Magsasagawa ng serye ng mga pagdinig ang Election Registration Board o ERB upang pakinggan ang anumang objection sa gagawing ito ng komisyon sa November 16.
Ipinag-utos na rin ng COMELEC sa mga local election officer na ipaskil sa kani-kanilang tanggapan ang listahan ng mga pangalang nabigong makapagpa-biometrics at ang mga maaalis sa voters list.
Sa ilalim ng Mandatory Biometrics Registration Act of 2013, isinasaad na sinumang botante na mabibigong makapagpa-biometrics bago ang May 2016 elections ay maalis ang pangalan sa listahan ng mga lehitimong botante.
Sakaling mangyari ito, hindi makakaboto ang naturang indibidwal sa nalalapit na eleksyon.
Matatandaang tinapos na ng COMELEC ang registration ng mga botante noong nakalipas na October 31.
By Jelbert Perdez